Tatlong tula na may paksang "Karatula"
1
"Sibol sa Aspalto"
Iniwan kang bangkay sa gitna ng kalsada
Nakabalot sa scotch tape at may karatula:
Adik, wag tularan, salot sa lipunan,
ikaw ay nararapat sa kamatayan.
Nung pinapatay ka, nakikita mo na,
ang pait ng iyong tadhana,
bangkay na nakahandusay sa gitna ng daan
Sa isang gabing madugo at puno ng karimlan.
Hindi mo na nakita ang kanilang mukha,
at hindi ka na makalaban.
Kahit makiusap ka pa at magmakaawa.
Tumahimik ka na lang, ikaw na ay nahatulan.
Nanay, tatay, at aking mga kapatid,
Huwag isayang ang luha!
Gusto kong sabihin na lahat ay may katapusan,
at ang akin lamang...
Isipin niyo na ang buhay ay puno ng pighati
Sakit at paghihirap.
Isipin niyo na lang na ako ay pinagpala,
at asahan na kahit sa kabilang buhay...
ay marahil may hustisya at katarungan.
"Propeta ng Taft Ave."
Sa isang sulok ng Maynila,
ay may propetang itago natin sa pangalang
Belton.
Uling, chalk, at kamay ang kanyang gamit
Upang sumulat ng mga propesiya:
sa mga pader, gate, at kung saan pa.
Kalye ang kanyang tahanan,
Mga galang aso ang kanyang kasama.
Karton lang and kanyang tinutulugan,
at ang sarili ang madalas niyang kausap.
Araw ng linggo, nakita ko
Nakasulat dito:
"Ang banal na salita ng dahon"
Tapos may drawing ng dahon.
"Ang banal na salita ng ibon"
"Ang banal na salita ng kahoy"
Lahat na lamang ay may banal na salita
At ako ay nagulat sa kanyang mga nasulat!
At nakita ko ang kahulugan.
Lahat ng bagay ay banal,
kung tahimik lang tayo para makinig.
Sa ibon, dahon, kahoy, papel, o langgam.
Belton, ang sinusulat mo pala...
ang bagong salita ng Diyos?
"Karatula"
May naiwang karatula sa gitna ng daan.
Iisang salita lang ang laman:
"Ipaglaban!"
Bakas pa ang duguang palad,
na nakahawak sa simpleng plywood.
Pula ang pinta, kasing-pula ng bagong dugo.
Ang mga tao ay lumalakad,
Hindi tumitingin,
Nananahimik na lamang.
-----
These poems are written for the Saranggola Blog Awards 2017. SBA 2017 sponsors:
0 Comments